Sabado, Oktubre 22, 2016

Desani, ang Diyosa ng Tanang Kababaihan (Mitolohiya ni Andrea Linogon)



Sa mundo kung saan ipinanganganak ang mga diyos at diyosa bilang simbolo ng isang bagay, may isang diyosang uusbong upang patunayan na hindi dapat umaasa sa tadhana.

"Ina, hindi ko nais ang mga bulaklak! Ngangati ang aking ilong at nababahiran ng mga kulay nito ang aking espada." Angil ng noo'y bata pang si Desani, ang itinakdang diyosa ng lahat ng kababaihan.

Batid ng kanyang inang si Habina, ang diyosa ng pagkamahinhin nasa simula't sapul ay hindi kailanman ginusto ni Desani ang mga bulaklak o kahit anong bagay na hilig ng katulad niyang diyosa. Ngunit ang kanyang anak ang itinakda ng kalawakan bilang diyosa ng lahat ng babae, kaya't pilit niyang inilalapit sa mga bagay na ugnay rito ang kanyang ka isa isang anak upang magampanan nito sa hinaharap ang kanyang tadhana.

Natawa na lang ang inang diyosa sa yamot na itsura ng kanyang anak. "Mahal, ibalik mo na sa iyong ama ang espadang iyan. At halika rito, lagyan natin ng mga lilang bulaklak ang kulay rosas mong buhok." Pangungumbinsi nito.

"Ama! Hindi ba't akin na kamo itong espada? Napakaganda nito at napaka kintab. Nakakainis lamang at nababahiran ito ng kulay ng mga bulaklak ni ina." Tumakbo ang bata sa kanyang ama, 

Ang berdeng damo ay yumuyuko sa bawat pagyapak ng paa ng susunod na diyosa. Daling nagsumbong ito sa amang si Idaka, ang pinaka magiting na diyos ng mga mandirigma, natawa na lang ito sa kanyang anak dahil sa nakaka aliw nitong pagsusumbong.

"Hala, sige, iyo na ang espada ni ama. Ngunit nais kong makita ang mga lilang bulaklak na iyan sa iyong ulo. Pumaron kang muli sa iyong ina upang mailagay niya sa iyo ang iyong koronang bulaklak." Nararamdaman ng amang diyos na mukhang hindi nais ng kanyang anak ang mga ganitong bagay, at marahil isang araw ay may posibilidad itong tunaliwas sa kanyang tadhana.

Makalipas ang ilan pang mga taon ay isa nang ganap na dalaga si Desani. At sa mga nagdaang panahon ay batid ng kanyang mga magulang na hindi umaayon sa kanilang gusto at sa nais ng kalawakan ang anak. Nagpaturo ito sa amang si Idaka kung paano makipaglaban gamit ang iba't ibang armas lalo na ang espada. Panay rin ang panonood nito ng mga larong pisikalan na pulos mga lalaki ang manonood. Madalas itong kasa kasama ng ama sa tuwing may pagpupulong ang kanilang hukbo. At sa tuwing lalabas ito ng bahay ay lagi nitong bitbit ang espadang binigay sa kanya ng kanyang ama. Lagi siyang tinatanong ng inang si Habina kung bakit lagi niya itong kasama saanman at ang tanging sagot lang ng dalaga ay "bilang proteksyon". Pilit na itinatago ng kayang ina ang kalungkutan sapagkat alam niyang baka balang araw ay ipatapon si Desani sa mundo ng mga mortal. Ito ay ang kaparusahan sa mga diyos at diyosa na hindi sumusunod sa kanilang tadhana, na kasalukuyang nangyayari kay Desani ngayon. Kaya't isang araw, dahil papalapit na itong koronahan, ay kinausap ni Habina ang anak at kinumbinsi itong umakto bilang isang modelong babae.

Mahaba habang usapan ang namagitan sa mag ina. Ilang linggo rin ang tumagal bago ito tuluyang pumayag sa nais ng ina dahil sa napag isip isip nito ang maari niyang kahantungan. Sa simula ay halatang nahihirapan si Desani sa "pagpapaka babae", noong mga unang araw ay ilang beses siyang natampal ng pamaypay ng kanyag ina nang dahil sa mga maling kilos at desisyon. Ang kanya namang ama ay walang ginawa kundi matawa sa anak dahil sa yamot nitong itsura sa tuwing mapapagalitan. Ang pinamana namang espada sa dalaga ay malimit na nitong dala sa tuwing lumalabas. Ang dati nitong panonod ng mga pisikal na laro ay nauwi sa ilang oras na pag aalaga, pag pitas at pagtatanim ng mga bulaklak. Ang pag sama nito sa ama ay nabawasan at madalas na siyang kasama ng ina sa paggawa ng kasuotan. Ang dating pulong ng hukbo na kanyang sinasamahan ay naging pulong na ng mga kababaihang naghahanda para sa kanilang kanya kanyang koronasyon. Naging mahirap ang pagsaanay ni Desani ngunit sa awa naman ng kalawakan at dahil sa pag tatiyaga ng ina ay naging mahinhin ang kaniyang mga kilos at ang mga bagay na kanyang pinipili ay gaya ng mga gusto ng isang babae at ng ina. Dito na rin ito nag papaayos ng mga damit at buhok sa pang araw araw. Unti unting nagiging modelo ng kababaihan si Desani na labis ikinatutuwa ng kanyang mga magulang.

Isang araw habang namimitas ng mga bulaklak na pandekorasyon ang diyosa ay may sadyang tumapak sa dapat na kukunin nitong bulaklak. Agad itong ikinainit ng ulo ng dalaga ngunit naalala niya ang mga tinuran ng ina.

" May problema po ba ginoo?" Kalmado niyang tanong rito.

"AHAHAHAHA sadyang nakakatawa at nakaka awang kalagayan." Sagot nito kay Desani.

"Ang pobreng bulaklak ba ang iyong tinutukoy? Ka awa awa naman nga talaga sapagat iyo itong tinapakan." Inis ngunit pigil niyang sambit sa binata. Pakiramdam niya ay matatampal na naman siya ng pamaypay kung pagtataasan niya ito ng boses.

"Ikaw ang tinutukoy ko Desani, sadyang nakaka awa ang iyong kalagayan. Ginagawa mo ang mga bagay na taliwas sa iyong pagkatao." Walang prenong sabi ng lalaki. Nag init na ang ulo ni Desani ngunit pilit pa rin niyang pinananatiling kalmado ang sarili. Hinayaan niya lang na magsalita ito.

"Ilang araw na kitang pinagmamasdan at halata ang mga pilit mong kilos at reaksyon." Lalo pa nitong diniinan ang pagtapak sa bulaklak. "Niloloko mo lang ang iyong sarili at mga diyos sa iyong paligid. Bakit hindi mo ipakita kung sino ka talaga?"

"Hindi mo naiintindihan." Bulong nito. Dito sumabog ang damdamin ng diyosa. Poot ang kanyang naramdaman sa mga oras na ito. Nais niyang gawing mga kutsilyo ang bawat tangkay ng bulaklak na kanyang napitas at isaksak ito sa ulo at dibdib ng lalaki. Pilit niyang kinikimkim ang galit dahil sa pangako niya sa ina.

"Naiinindihan kita, kaya nga nais ko na ipakita mo ang tunay mong kulay sa lahat. Masyado kang takot! Maiintindihan ka naman ng iyong mga magulang. Ano pang inaalala mo?" Patuloy na nagsalita ang lalaki. "Maniwala ka, maiintindihan at mamahalin ka pa rin nila, parang ang nangyari sa akin, naku, napatunayan ko na." Nakangisi nitong sambit. Naikalma na ng diyosa ang sarili bago ito sumagot.

"Marahil ay nagkakamali ka ginoo. Hindi mo kailanman mababasa ang isip ng aking magulang. Hindi rin ako naniniwala na nangyari rin saiyo ang ganito. At isa pa, ikaw si Aduan, ang diyos ng kasinungalingan. Paano ako maniniwala sa iyo?" Pambabara nito. Ito lang ang paraan niya upang makaganti.

"Sapat na ang may alam ako tungkol sa iyo at may sinabi akong umantig sa iyong damdamin upang ako'y paniwalaan mo, Desani." Naka ngising sabi nito sabay ang pagtalikod at pag alis.

Naiwang naka upo lang sa hardin ang dalaga. Kaytagal niyang tinitigan ang mga talulot ng bulaklak na ngayo'y punit at madudurog na. Totoo, umantig sa kanya ang sinabi ni Aduan. Sa una ay ikinagalit niya ito ngunit napagtanto niya na tama ang binata. Kahit siya ay umaayon na sa tadhana ay alam niyang niloloko niya lang ang sarili at mga diyos sa paligid niya. Ngunit kailagan niya itong gawin para sa kapakanan niya at ng pamilya.

Sa tuwing matatapos na ang araw mula ng makausap niya si Aduan ay hindi na siya nakakatulog sa gabi sa tuwing maiisip niya ang sinabi nito. "Niloloko mo lang ang iyong sarili at mga diyos sa iyong paligid. Bakit hindi mo ipakita kung sino ka talaga?" . Sa pagdaaan ng mga araw ay mas nahihirapan na siyang umakto bilang ang mahinhing si Desani. Minsan ay makikita siayng hawak ang espada at tinititigan lang ito. Pilit na inuunawa ang kanyang nais at damdamin, pilit na iniintindi kung nararapat ba talaga siyang diyosang itinakda. Gaya ngayon, mas madalas na rin ito sa taas ng puno, nag iisa at nagmumuni. Natigilan siya sa pag iisip nang may bumato sa kanya ng isang matigas na talulot at tumama ito sa kanyang ulo.

"Ang diyosa ng lahat ng kabaihan ay dapat laging kasakasama ng kanyang ina upang maturuan. Hindi dapat siya nasa taas ng puno gaya ng ginagawa ng mga batang diyos!" Wika ng isang boses.

Yumuko siya sa baba ngunit wala siyang nakita. Sa pagtingin niya sa kanyang gilid ay naroon na pala si Aduan.

"Sinong nagpahintulot sa iyong umakyat sa itinanim kong puno?" Iritang sambit ng dalaga.

"Ako. HAHAHAHA!" biro nito. Napansin niyang malalim ang iniisip ng diyosa.

"Wala kong oras makipagbiruan, humayo ka na. Hindi ko kailangan ng kasama." Yumukong muli si Desani.

"Narito ako para kausapin ka." Naging seryoso ang tono ni Aduan na nakapagpa tingin dito ng dalaga. "Tungkol ito sa mga sinabi ko noong nakaraan. Tungkol ito sayo, at sa akin." Hinayaan lang itong magsalita ng dalaga.

"Dapat kang magpakatotoo sa iyong sarili. Alam ko na hindi talaga ang pagiging mahinhin ang iyong katangian ngunit hindi nito nababawasan ang iyong pagka diyosa. Hindi na kita nakikita sa labas ng iyong tirahan na namimitas ng bulaklak. Araw araw kitang natatanaw noon na nakikipag pulong sa ibang mga diyosa. Sa mga panahong iyon ay nahahalata ko na hindi mo gusto ang mga ginagawa mo. Nakikita kong masaya ka sa tuwing nagsasanay kasama ng iyong ama, at tanaw kong nalilibang ka sa tuwing nanonood ng mga larong pisikal. Ang iyong mga ginagawa ngayon ay hindi ikaw!" Makabagbag damdamin ang mga sinambit ng binata. Tama lahat ito, at lalo lang nalugmok sa kalungkutan ang diyosa. Ngunit napa isip siya.

"Bakit mo ako binabantayan sa aking bawat kilos? Anong pakay mo?!" Galit nitong sabi.
Napailing na lang ang binata. Na alala niyang hindi nga pala karaniwang diyosa ang kayang kausap. Hindi na lang pinansin ni Aduan ang paratang ni Desani at itinuloy ang tunay niyang pakay sa pagbisita rito.

"Desani, ako'y kagaya mo. Itinadhana mang diyos ng kasinungalingan ay kinamumuhian ko ito. Kahit kailan ay hindi ko ginawa ang mag sinungaling sa iba. Pawang totoo lang ang aking mga sinasabi, mabuti at hindi ako nahuhuli sapagkat lagi kong sinasamahan ng tawa ang lahat, kaya't nagmumukha itong kasinungalingan. Dapat ay matagal ko nang babaliin ang tadhana ko, haggang sa makita kita. Akala ko ipaglalaban mo ang iyong pagkatao ngunit hindi, nabubuhay ka sa kasinungalingan at nandito ako ngayon upang sabihin sayo na tama na. Itigil mo na ang pagpapanggap, magpaka totoo ka sa iyong sarili. Maniwala ka, tunay kang magiging masaya." Seryoso ang binata sa bawat salitang sinabi nito ngunit hindi nito napaniwala kaagad ang diyosa.

"Aduan, diyos ka ng kasinungalingan, diyos! Bakit ko isusugal ang aking buhay at pamilya para lang maniwala sa iyo?!" May punto ang mga sinambit ni Aduan, pero mas pinili ni Desani na maging praktikal at gamitin ang kanyang utak.

"Panghabang buhay na kasiyahan at kalayaan mo ang iniisip ko rito! Bakit ba hindi ka na lang maniwala sa mga sinabi ko?!" Labis na nasaktan ang binata sa mga sinabi ng diyosa. Ang nais lang naman niya ay ang ikasasaya nito. Hindi niya inaasahan na mas pipiliin pa nitong mabuhay sa kasinungalingan kaysa maging malaya. Naluluhang bumaba mula sa puno si Aduan, umalis, at hindi na muling nagpakita.

Inabot nang dilim sa itaas ng puno si Desani bago umuwi sa kanilang tirahan. Sa hapag, habang naghahapunan ay kinausap niya ang magulang.

"Ina, Ama, maraming salamat sa lahat ng inyong mga itinuro sa akin." Nakangiti nitong sabi sa kanyang magulang.

"Anong dahilan at bigla kang naging madamdamin?" Natatawang tanong ng ama.

"Nais ko pong maging tunay na masaya." Labis na naguguluhan ang mag asawa sa pag uugali ng kanilang anak. Nakakunot ang noo nitong tinitigan ang dalaga. Pilit nilang inuunawa ang nais ipahiwatig ng diyosa.

"Nais ko po sanang maging malaya." Lalong naguluhan ang dalawa.

"Anong ibig mong sabihin anak? Masyado na ba kaming mahigpit sa iyo? Nakakasakal na ba--" Nag aalalang tanong ni Habini.

"Hindi ina, hindi sa ganoon. Alam ko pong alam ninyo na hindi ko ginusto ang pagiging diyosa ng mga kababaihan pero pinilit ko ito sa pag aakalang masasanay ako at matutupad ang aking tadhana ngunit patawad, hindi ko na ito kaya. Masyado ko nang niloloko ang aking sarili, kayo, at ang iba sa aking paligid. Parang kay tagal ko na palang namumuhay sa kasinungalingan na kaya kong gampanan ang itinadhana sa akin. Mayroong isang diyos na nakapag pakita sakin ng katotohanan--"

"Sino itong diyos na sinasabi mo?! Nilalason niya ang iyong isip!" Galit na sabi ni Idaka. Labis na nasaktan ang mag asawa sa pagtatapat ng anak. Ngayo'y lumuluha na ang inang si Habini.

"Ama, hindi ito kasalanan ni Aduan. Kasalanan ko ito. Dapat ay matagal ko nang napagtanto ang lahat. Masyado akong nabulag sa paniniwalang kaya ko." Kalmadong sagot nito sa ama. "Ina, huwag ka nang lumuha. Hindi naman ibig sabihin nito ay ako'y mawawala na sa inyo. At wag mo rin sanang isipin na ito'y pagrerebelde. Nais ko lamang magpakatotoo sa inyo." Sa pagkakataong ito ay pinakinggan ng mag asawa ang lahat ng mga sinabi ng anak.

Masakit man ay nangibabaw pa rin ang pagmamahal at pag unawa ng ng mga magulang ni Desani. Tinanggap nito ang katotohanan na taliwas sa nais ng tadhana ang ugali at pagkatao ng kanilang anak. Makailang panahon pa ring nagpanggap ang diyosa habang papalapit ang kanyang koronasyon. Kinuha niya rin ang pagkakataong ito upang mas makasama ang kanyag pinaka mamahal na magulang. Hindi man umayon ang dalaga sa nais ng kalawakan ay ipinagmamalaki pa rin ito ng kanyang mga magulang dahil lumaki itong mabuti, matapang,  alam ang kanyang nais at handang ipaglaban ang tama at kanyang kasiyahan.


Dumating ang araw ng koronasyon.

"Ngayon ay ipapataw na sa iyo ang responsibilidad na iniatas ng kalawakan." Wika ng unang opisyal.

"Ikaw Desani, ay inaatasan at pinangangalanan sa araw na ito," wika ng ikalawang opisyal.

"Bilang diyosa ng tanang kababaihan." Wika ng ikatlong opisyal. Ipapatong na sana ang korona sa ulo ng dalaga ngunit pinigilan niya ito at sinambit ang mga salitang nakapagpanginig sa mga opisyal.

"Patawarin ako ng kalawakan ngunit hindi ko ito matatanggap." Sagot ng dalaga.

Nagulat ang buong mundo sa sagot ni Desani na dapat ay "tinatanggap ko." Ngunit nakahanda siya at ang kanyang mga magulang. Sabay sabay na kumunot ang noo ng bawat opisyal ng kastilyo. Ang koronang dapat na isusuot sa dalaga ay ibinalik muli sa pulang unan kung saan ito nakapatong. Sa pagkakataong ito ay tumigil ang oras at ang mga nakahanay na planeta ay nagkagulo.


Hanggang sa lumipas ang marami pang taon.

"Aduan! Aduan!" Sigaw ni Desani nang matanaw niya ang binata. Naguguluhan man ay lumingon ito sa narinig niyang boses. Nang makita niya ang dalaga ay labis niya itong ikinatuwa at dali niyang nilapitan ito.

"Desani! Anong ginagawa mo rito?" Nalilito man ay masaya siya sa kaniyang nakikita.

"Sinunod ko lang ang payo mo. Tama ka, mas magiging malaya at masaya ako kapag nagpakatotoo." Nakangiting sambit nito.

"Masaya ako sa desisyon mo, pero pano na ang--"

"Naiintindihan nila. At alam nila ng lahat." Putol ng dalaga. Naintindihan naman ng binata ang sinabi nito at napagpasyahang sa susunod na lang uli mag tanong. Bagamat medyo nalulungkot sa ilang mga bagay ang alam niya ay masaya siya dahil masaya ang kanyang diyosa.

"Nga pala, Adrian ang tawag nila sakin dito."

                                                                                   
photo credit to: devianart.com

Wakas.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento