"Ina, hindi ko nais ang mga bulaklak!
Ngangati ang aking ilong at nababahiran ng mga kulay nito ang aking
espada." Angil ng noo'y bata pang si Desani, ang itinakdang diyosa ng lahat
ng kababaihan.
Batid ng kanyang inang si Habina, ang
diyosa ng pagkamahinhin nasa simula't sapul ay hindi kailanman ginusto ni
Desani ang mga bulaklak o kahit anong bagay na hilig ng katulad niyang diyosa.
Ngunit ang kanyang anak ang itinakda ng kalawakan bilang diyosa ng lahat ng babae,
kaya't pilit niyang inilalapit sa mga bagay na ugnay rito ang kanyang ka isa
isang anak upang magampanan nito sa hinaharap ang kanyang tadhana.
Natawa na lang ang inang diyosa sa yamot na
itsura ng kanyang anak. "Mahal, ibalik mo na sa iyong ama ang espadang iyan.
At halika rito, lagyan natin ng mga lilang bulaklak ang kulay rosas mong buhok."
Pangungumbinsi nito.
"Ama! Hindi ba't akin na kamo itong
espada? Napakaganda nito at napaka kintab. Nakakainis lamang at nababahiran ito
ng kulay ng mga bulaklak ni ina." Tumakbo ang bata sa kanyang ama,
Ang
berdeng damo ay yumuyuko sa bawat pagyapak ng paa ng susunod na diyosa. Daling
nagsumbong ito sa amang si Idaka, ang pinaka magiting na diyos ng mga mandirigma,
natawa na lang ito sa kanyang anak dahil sa nakaka aliw nitong pagsusumbong.
"Hala, sige, iyo na ang espada ni ama.
Ngunit nais kong makita ang mga lilang bulaklak na iyan sa iyong ulo. Pumaron
kang muli sa iyong ina upang mailagay niya sa iyo ang iyong koronang bulaklak."
Nararamdaman ng amang diyos na mukhang hindi nais ng kanyang anak ang mga
ganitong bagay, at marahil isang araw ay may posibilidad itong tunaliwas sa kanyang
tadhana.
Makalipas ang ilan pang mga taon ay isa
nang ganap na dalaga si Desani. At sa mga nagdaang panahon ay batid ng kanyang
mga magulang na hindi umaayon sa kanilang gusto at sa nais ng kalawakan ang
anak. Nagpaturo ito sa amang si Idaka kung paano makipaglaban gamit ang iba't
ibang armas lalo na ang espada. Panay rin ang panonood nito ng mga larong
pisikalan na pulos mga lalaki ang manonood. Madalas itong kasa kasama ng ama sa
tuwing may pagpupulong ang kanilang hukbo. At sa tuwing lalabas ito ng bahay ay
lagi nitong bitbit ang espadang binigay sa kanya ng kanyang ama. Lagi siyang
tinatanong ng inang si Habina kung bakit lagi niya itong kasama saanman at ang
tanging sagot lang ng dalaga ay "bilang proteksyon". Pilit na
itinatago ng kayang ina ang kalungkutan sapagkat alam niyang baka balang araw
ay ipatapon si Desani sa mundo ng mga mortal. Ito ay ang kaparusahan sa mga diyos
at diyosa na hindi sumusunod sa kanilang tadhana, na kasalukuyang nangyayari
kay Desani ngayon. Kaya't isang araw, dahil papalapit na itong koronahan, ay kinausap
ni Habina ang anak at kinumbinsi itong umakto bilang isang modelong babae.
Mahaba habang usapan ang namagitan sa mag
ina. Ilang linggo rin ang tumagal bago ito tuluyang pumayag sa nais ng ina
dahil sa napag isip isip nito ang maari niyang kahantungan. Sa simula ay
halatang nahihirapan si Desani sa "pagpapaka babae", noong mga unang
araw ay ilang beses siyang natampal ng pamaypay ng kanyag ina nang dahil sa mga
maling kilos at desisyon. Ang kanya namang ama ay walang ginawa kundi matawa sa
anak dahil sa yamot nitong itsura sa tuwing mapapagalitan. Ang pinamana namang
espada sa dalaga ay malimit na nitong dala sa tuwing lumalabas. Ang dati nitong
panonod ng mga pisikal na laro ay nauwi sa ilang oras na pag aalaga, pag pitas
at pagtatanim ng mga bulaklak. Ang pag sama nito sa ama ay nabawasan at madalas
na siyang kasama ng ina sa paggawa ng kasuotan. Ang dating pulong ng hukbo na
kanyang sinasamahan ay naging pulong na ng mga kababaihang naghahanda para sa
kanilang kanya kanyang koronasyon. Naging mahirap ang pagsaanay ni Desani ngunit
sa awa naman ng kalawakan at dahil sa pag tatiyaga ng ina ay naging mahinhin
ang kaniyang mga kilos at ang mga bagay na kanyang pinipili ay gaya ng mga gusto
ng isang babae at ng ina. Dito na rin ito nag papaayos ng mga damit at buhok sa
pang araw araw. Unti unting nagiging modelo ng kababaihan si Desani na labis ikinatutuwa
ng kanyang mga magulang.
Isang araw habang namimitas ng mga bulaklak
na pandekorasyon ang diyosa ay may sadyang tumapak sa dapat na kukunin nitong
bulaklak. Agad itong ikinainit ng ulo ng dalaga ngunit naalala niya ang mga
tinuran ng ina.
" May problema po ba ginoo?" Kalmado
niyang tanong rito.
"AHAHAHAHA sadyang nakakatawa at
nakaka awang kalagayan." Sagot nito kay Desani.
"Ang pobreng bulaklak ba ang iyong
tinutukoy? Ka awa awa naman nga talaga sapagat iyo itong tinapakan." Inis
ngunit pigil niyang sambit sa binata. Pakiramdam niya ay matatampal na naman
siya ng pamaypay kung pagtataasan niya ito ng boses.
"Ikaw ang tinutukoy ko Desani, sadyang
nakaka awa ang iyong kalagayan. Ginagawa mo ang mga bagay na taliwas sa iyong
pagkatao." Walang prenong sabi ng lalaki. Nag init na ang ulo ni Desani
ngunit pilit pa rin niyang pinananatiling kalmado ang sarili. Hinayaan niya
lang na magsalita ito.
"Ilang araw na kitang pinagmamasdan at
halata ang mga pilit mong kilos at reaksyon." Lalo pa nitong diniinan ang
pagtapak sa bulaklak. "Niloloko mo lang ang iyong sarili at mga diyos sa iyong
paligid. Bakit hindi mo ipakita kung sino ka talaga?"
"Hindi mo naiintindihan." Bulong
nito. Dito sumabog ang damdamin ng diyosa. Poot ang kanyang naramdaman sa mga
oras na ito. Nais niyang gawing mga kutsilyo ang bawat tangkay ng bulaklak na
kanyang napitas at isaksak ito sa ulo at dibdib ng lalaki. Pilit niyang
kinikimkim ang galit dahil sa pangako niya sa ina.
"Naiinindihan kita, kaya nga nais ko
na ipakita mo ang tunay mong kulay sa lahat. Masyado kang takot! Maiintindihan
ka naman ng iyong mga magulang. Ano pang inaalala mo?" Patuloy na nagsalita
ang lalaki. "Maniwala ka, maiintindihan at mamahalin ka pa rin nila, parang
ang nangyari sa akin, naku, napatunayan ko na." Nakangisi nitong sambit. Naikalma
na ng diyosa ang sarili bago ito sumagot.
"Marahil ay nagkakamali ka ginoo. Hindi
mo kailanman mababasa ang isip ng aking magulang. Hindi rin ako naniniwala na
nangyari rin saiyo ang ganito. At isa pa, ikaw si Aduan, ang diyos ng kasinungalingan.
Paano ako maniniwala sa iyo?" Pambabara nito. Ito lang ang paraan niya upang
makaganti.
"Sapat na ang may alam ako tungkol sa
iyo at may sinabi akong umantig sa iyong damdamin upang ako'y paniwalaan mo,
Desani." Naka ngising sabi nito sabay ang pagtalikod at pag alis.
Naiwang naka upo lang sa hardin ang dalaga.
Kaytagal niyang tinitigan ang mga talulot ng bulaklak na ngayo'y punit at madudurog
na. Totoo, umantig sa kanya ang sinabi ni Aduan. Sa una ay ikinagalit niya ito
ngunit napagtanto niya na tama ang binata. Kahit siya ay umaayon na sa tadhana
ay alam niyang niloloko niya lang ang sarili at mga diyos sa paligid niya. Ngunit
kailagan niya itong gawin para sa kapakanan niya at ng pamilya.
Sa tuwing matatapos na ang araw mula ng makausap
niya si Aduan ay hindi na siya nakakatulog sa gabi sa tuwing maiisip niya ang
sinabi nito. "Niloloko mo lang ang iyong sarili at mga diyos sa iyong
paligid. Bakit hindi mo ipakita kung sino ka talaga?" . Sa pagdaaan ng
mga araw ay mas nahihirapan na siyang umakto bilang ang mahinhing si Desani. Minsan
ay makikita siayng hawak ang espada at tinititigan lang ito. Pilit na inuunawa
ang kanyang nais at damdamin, pilit na iniintindi kung nararapat ba talaga
siyang diyosang itinakda. Gaya ngayon, mas madalas na rin ito sa taas ng puno,
nag iisa at nagmumuni. Natigilan siya sa pag iisip nang may bumato sa kanya ng
isang matigas na talulot at tumama ito sa kanyang ulo.
"Ang diyosa ng lahat ng kabaihan ay
dapat laging kasakasama ng kanyang ina upang maturuan. Hindi dapat siya nasa
taas ng puno gaya ng ginagawa ng mga batang diyos!" Wika ng isang boses.
Yumuko siya sa baba ngunit wala siyang
nakita. Sa pagtingin niya sa kanyang gilid ay naroon na pala si Aduan.
"Sinong nagpahintulot sa iyong umakyat
sa itinanim kong puno?" Iritang sambit ng dalaga.
"Ako. HAHAHAHA!" biro nito.
Napansin niyang malalim ang iniisip ng diyosa.
"Wala kong oras makipagbiruan, humayo
ka na. Hindi ko kailangan ng kasama." Yumukong muli si Desani.
"Narito ako para kausapin ka."
Naging seryoso ang tono ni Aduan na nakapagpa tingin dito ng dalaga. "Tungkol
ito sa mga sinabi ko noong nakaraan. Tungkol ito sayo, at sa akin." Hinayaan
lang itong magsalita ng dalaga.
"Dapat kang magpakatotoo sa iyong
sarili. Alam ko na hindi talaga ang pagiging mahinhin ang iyong katangian
ngunit hindi nito nababawasan ang iyong pagka diyosa. Hindi na kita nakikita sa
labas ng iyong tirahan na namimitas ng bulaklak. Araw araw kitang natatanaw
noon na nakikipag pulong sa ibang mga diyosa. Sa mga panahong iyon ay
nahahalata ko na hindi mo gusto ang mga ginagawa mo. Nakikita kong masaya ka sa
tuwing nagsasanay kasama ng iyong ama, at tanaw kong nalilibang ka sa tuwing nanonood
ng mga larong pisikal. Ang iyong mga ginagawa ngayon ay hindi ikaw!"
Makabagbag damdamin ang mga sinambit ng binata. Tama lahat ito, at lalo lang
nalugmok sa kalungkutan ang diyosa. Ngunit napa isip siya.
"Bakit mo ako binabantayan sa aking bawat
kilos? Anong pakay mo?!" Galit nitong sabi.
Napailing na lang ang binata. Na alala
niyang hindi nga pala karaniwang diyosa ang kayang kausap. Hindi na lang pinansin
ni Aduan ang paratang ni Desani at itinuloy ang tunay niyang pakay sa pagbisita
rito.
"Desani, ako'y kagaya mo. Itinadhana
mang diyos ng kasinungalingan ay kinamumuhian ko ito. Kahit kailan ay hindi ko
ginawa ang mag sinungaling sa iba. Pawang totoo lang ang aking mga sinasabi,
mabuti at hindi ako nahuhuli sapagkat lagi kong sinasamahan ng tawa ang lahat,
kaya't nagmumukha itong kasinungalingan. Dapat ay matagal ko nang babaliin ang
tadhana ko, haggang sa makita kita. Akala ko ipaglalaban mo ang iyong pagkatao
ngunit hindi, nabubuhay ka sa kasinungalingan at nandito ako ngayon upang sabihin
sayo na tama na. Itigil mo na ang pagpapanggap, magpaka totoo ka sa iyong sarili.
Maniwala ka, tunay kang magiging masaya." Seryoso ang binata sa bawat salitang
sinabi nito ngunit hindi nito napaniwala kaagad ang diyosa.
"Aduan, diyos ka ng kasinungalingan, diyos!
Bakit ko isusugal ang aking buhay at pamilya para lang maniwala sa iyo?!"
May punto ang mga sinambit ni Aduan, pero mas pinili ni Desani na maging
praktikal at gamitin ang kanyang utak.
"Panghabang buhay na kasiyahan at kalayaan
mo ang iniisip ko rito! Bakit ba hindi ka na lang maniwala sa mga sinabi ko?!"
Labis na nasaktan ang binata sa mga sinabi ng diyosa. Ang nais lang naman niya ay
ang ikasasaya nito. Hindi niya inaasahan na mas pipiliin pa nitong mabuhay sa
kasinungalingan kaysa maging malaya. Naluluhang bumaba mula sa puno si Aduan,
umalis, at hindi na muling nagpakita.
Inabot nang dilim sa itaas ng puno si
Desani bago umuwi sa kanilang tirahan. Sa hapag, habang naghahapunan ay
kinausap niya ang magulang.
"Ina, Ama, maraming salamat sa lahat
ng inyong mga itinuro sa akin." Nakangiti nitong sabi sa kanyang magulang.
"Anong dahilan at bigla kang naging
madamdamin?" Natatawang tanong ng ama.
"Nais ko pong maging tunay na
masaya." Labis na naguguluhan ang mag asawa sa pag
uugali ng kanilang anak. Nakakunot ang noo nitong tinitigan ang dalaga. Pilit
nilang inuunawa ang nais ipahiwatig ng diyosa.
"Nais ko po sanang maging malaya."
Lalong naguluhan ang dalawa.
"Anong ibig mong sabihin anak? Masyado
na ba kaming mahigpit sa iyo? Nakakasakal na ba--" Nag aalalang tanong ni
Habini.
"Hindi ina, hindi sa ganoon. Alam ko
pong alam ninyo na hindi ko ginusto ang pagiging diyosa ng mga kababaihan pero
pinilit ko ito sa pag aakalang masasanay ako at matutupad ang aking tadhana
ngunit patawad, hindi ko na ito kaya. Masyado ko nang niloloko ang aking sarili,
kayo, at ang iba sa aking paligid. Parang kay tagal ko na palang namumuhay sa
kasinungalingan na kaya kong gampanan ang itinadhana sa akin. Mayroong isang
diyos na nakapag pakita sakin ng katotohanan--"
"Sino itong diyos na sinasabi mo?!
Nilalason niya ang iyong isip!" Galit na sabi ni Idaka. Labis na nasaktan
ang mag asawa sa pagtatapat ng anak. Ngayo'y lumuluha na ang inang si Habini.
"Ama, hindi ito kasalanan ni Aduan. Kasalanan
ko ito. Dapat ay matagal ko nang napagtanto ang lahat. Masyado akong nabulag sa
paniniwalang kaya ko." Kalmadong sagot nito sa ama. "Ina, huwag ka
nang lumuha. Hindi naman ibig sabihin nito ay ako'y mawawala na sa inyo. At wag
mo rin sanang isipin na ito'y pagrerebelde. Nais ko lamang magpakatotoo sa inyo."
Sa pagkakataong ito ay pinakinggan ng mag asawa ang lahat ng mga sinabi ng
anak.
Masakit man ay nangibabaw pa rin ang
pagmamahal at pag unawa ng ng mga magulang ni Desani. Tinanggap nito ang
katotohanan na taliwas sa nais ng tadhana ang ugali at pagkatao ng kanilang anak.
Makailang panahon pa ring nagpanggap ang diyosa habang papalapit ang kanyang
koronasyon. Kinuha niya rin ang pagkakataong ito upang mas makasama ang kanyag
pinaka mamahal na magulang. Hindi man umayon ang dalaga sa nais ng kalawakan ay
ipinagmamalaki pa rin ito ng kanyang mga magulang dahil lumaki itong mabuti,
matapang, alam ang kanyang nais at handang
ipaglaban ang tama at kanyang kasiyahan.
Dumating ang araw ng koronasyon.
"Ngayon ay ipapataw na sa iyo ang
responsibilidad na iniatas ng kalawakan." Wika ng unang opisyal.
"Ikaw Desani, ay inaatasan at
pinangangalanan sa araw na ito," wika ng ikalawang opisyal.
"Bilang diyosa ng tanang
kababaihan." Wika ng ikatlong opisyal. Ipapatong na sana ang korona sa ulo
ng dalaga ngunit pinigilan niya ito at sinambit ang mga salitang
nakapagpanginig sa mga opisyal.
"Patawarin ako ng kalawakan ngunit
hindi ko ito matatanggap." Sagot ng dalaga.
Nagulat ang buong mundo sa sagot ni Desani
na dapat ay "tinatanggap ko." Ngunit nakahanda siya at ang
kanyang mga magulang. Sabay sabay na kumunot ang noo ng bawat opisyal ng
kastilyo. Ang koronang dapat na isusuot sa dalaga ay ibinalik muli sa pulang
unan kung saan ito nakapatong. Sa pagkakataong ito ay tumigil ang oras at ang
mga nakahanay na planeta ay nagkagulo.
Hanggang sa lumipas ang marami pang taon.
"Aduan! Aduan!" Sigaw ni Desani
nang matanaw niya ang binata. Naguguluhan man ay lumingon ito sa narinig niyang
boses. Nang makita niya ang dalaga ay labis niya itong ikinatuwa at dali niyang
nilapitan ito.
"Desani! Anong ginagawa mo rito?"
Nalilito man ay masaya siya sa kaniyang nakikita.
"Sinunod ko lang ang payo mo. Tama ka,
mas magiging malaya at masaya ako kapag nagpakatotoo." Nakangiting sambit
nito.
"Masaya ako sa desisyon mo, pero pano na
ang--"
"Naiintindihan nila. At alam nila ng
lahat." Putol ng dalaga. Naintindihan naman ng binata ang sinabi nito at
napagpasyahang sa susunod na lang uli mag tanong. Bagamat medyo nalulungkot sa ilang
mga bagay ang alam niya ay masaya siya dahil masaya ang kanyang diyosa.
"Nga pala, Adrian ang tawag nila sakin
dito."
photo credit to: devianart.com
Wakas.